top of page
napca_logo_H_home.png
napca_logo_abbr.png
bg_logo.gif

Press Release

NOVEMBER 9, 2026

Nakiisa si U.S. Representative Christian Menefee sa mga Nakatatanda sa Taunang Programa ng NAPCA at CCC para sa Pagpaparehistro sa Medicare, Pagbibigay ng Impormasyon tungkol sa mga Benepisyo, at Pagbabakuna

Mula kaliwa pakanan: Gary Poon (CEO ng CCC), Ernest Hui (Tagapangulo ng Lupon ng CCC), Congressman Christian Menefee, Aaron Burgess (Direktor ng Distrito para kay State Representative Lalani Suleman), at Clayton Fong (CEO ng NAPCA).
Mula kaliwa pakanan: Gary Poon (CEO ng CCC), Ernest Hui (Tagapangulo ng Lupon ng CCC), Congressman Christian Menefee, Aaron Burgess (Direktor ng Distrito para kay State Representative Lalani Suleman), at Clayton Fong (CEO ng NAPCA).

HOUSTON — Noong Biyernes, Nobyembre 6, nakiisa si U.S. Representative Christian Menefee sa mga nakatatanda sa taunang programa para sa pagpaparehistro sa Medicare, pagbibigay ng impormasyon at tulong tungkol sa mga benepisyo, at pagpapabakuna. Ang programa ay inorganisa ng National Asian Pacific Center on Aging (NAPCA) sa pakikipagtulungan sa Chinese Community Center (CCC).


Sinabi ni Congressman Christian Menefee na may malalaking pagbabago sa mga patakaran ng mga programang tulad ng Medicaid at SNAP. Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng NAPCA at CCC sa pagtulong sa mga nakatatanda na maunawaan ang mga pagbabagong ito at malaman kung paano ito makakaapekto sa kanilang mga benepisyo.


“Ikinagagalak naming tanggapin si Congressman Menefee. Ang kanyang desisyon na sumali sa Congressional Asian Pacific American Caucus (CAPAC) ay nagpapakita ng kanyang suporta at malasakit sa mga komunidad ng Asian American, Native Hawaiian, at Pacific Islander (AANHPI). Nauunawaan niya ang kanilang mga pangangailangan pagdating sa kalusugan at mga benepisyo, kaya mahalaga siyang katuwang sa pagtulong sa mga nakatatandang aming pinaglilingkuran,” ayon kay Clayton Fong, Presidente at CEO ng NAPCA. “Dahil sa malalaking pagbabago sa mga programa para sa pangangalagang pangkalusugan at mga benepisyo, naging mas mahalaga ngunit mas nakakalito rin ang taong ito para sa mga nakatatanda. Simple lang ang aming mensahe sa lahat ng nakatatanda: Hindi ninyo kailangang harapin at intindihin ang mga pagbabagong ito nang mag-isa. Nandito ang NAPCA at CCC upang tulungan kayo.”


Dahil papalapit na sa Disyembre ang mga deadline ng pagpapatala sa Medicare at ACA Health Insurance Marketplace, hinikayat ni Aaron Burgess, Direktor ng Distrito ni Texas State Representative Suleman Lalani (District 76), ang mga nakatatanda na muling suriin ang kanilang mga Medicare plan sa pamamagitan ng apat na mahahalagang hakbang: tiyaking kabilang pa rin ang kanilang doktor sa mga tinatanggap ng kanilang insurance plan, alamin kung sakop pa rin ng insurance ang lahat ng kanilang gamot, suriin kung ang kanilang botika ay isa sa mga pinapaboran ng kanilang plano, at kalkulahin kung magkano ang kanilang posibleng gastusin sa buong taon upang makapagplano ng tamang badyet.


Sa naturang programa, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga dumalo na magpabakuna laban sa trangkaso (flu) at COVID-19 sa tulong ng Kroger Health. Mula noong 2022, halos 4,700 bakuna na ang naibigay sa mga miyembro ng komunidad sa pamamagitan ng mga taunang programang ito. Para sa mga nasa hustong gulang, patuloy na inirerekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang pagpapabakuna laban sa trangkaso at COVID-19 ngayong panahon. (Tingnan ang mga rekomendasyon ng CDC)


Para sa mga nakatatandang nangangailangan ng karagdagang tulong, maaaring tumawag sa CCC sa 713-271-6100 o bumisita sa kanilang opisina sa 9800 Town Park Drive, 2nd Floor, Houston, TX 77036. Nagbibigay rin ang NAPCA Multilingual Helpline ng libreng tulong sa buong Estados Unidos para sa mga tanong tungkol sa health insurance, pagpapatala sa mga programa (Open Enrollment), at iba pang benepisyo. Maaaring mag-iwan ng mensahe ang mga tumatawag, at tatawag pabalik ang mga kawani ng Helpline sa lalong madaling panahon upang magbigay ng tulong.


Makipag-ugnayan sa NAPCA Multilingual Helpline:

  • (English) 1-800-336-2722 

  • (Mandarin) 1-800-683-7427 

  • (Cantonese) 1-800-582-4218 

  • (Korean) 1-800-582-4259 

  • (Vietnamese) 1-800-582-4336 

### 

Ang National Asian Pacific Center on Aging (NAPCA) ay isang pambansang non-profit na organisasyon na itinatag noong 1979. Layunin nitong suportahan at ipaglaban ang mga karapatan at pangangailangan ng mga nakatatanda, at tulungan silang makakuha ng mahahalagang impormasyon, serbisyo, at suporta upang mapanatili ang kanilang kalusugan, maayos na pamumuhay, at kakayahang mamuhay nang malaya at may sariling pagpapasya, anuman ang kanilang wika o kultura.

bottom of page