top of page
napca_logo_H_home.png
napca_logo_abbr.png
bg_logo.gif

Press Release

OCTOBER 15, 2026

Rep. Judy Chu at Jimmy Gomez nakilahok sa Pagtitipon ng mga Nakatatanda sa Los Angeles sa Unang Araw ng Medicare Open Enrollment

Kasama nina Rep. Jimmy Gomez (harap, kaliwa), Rep. Judy Chu (harap, gitna), at NAPCA President Clayton Fong (harap, kanan) ang Ralphs Pharmacy team sa taunang Medicare Open Enrollment at Vaccination Event ng NAPCA sa Chinatown.
Kasama nina Rep. Jimmy Gomez (harap, kaliwa), Rep. Judy Chu (harap, gitna), at NAPCA President Clayton Fong (harap, kanan) ang Ralphs Pharmacy team sa taunang Medicare Open Enrollment at Vaccination Event ng NAPCA sa Chinatown.

LOS ANGELES — Noong Huwebes, Oktubre 15, sa unang araw ng Medicare Open Enrollment, nakilahok sina U.S. Representatives Jimmy Gomez (CA-34) at Judy Chu (CA-28) sa pagtitipon ng mga nakatatanda at iba pang miyembro ng komunidad sa Chinatown, Los Angeles.


Ang taunang Medicare Open Enrollment and Vaccination Event ay inorganisa ng National Asian Pacific Center on Aging (NAPCA) sa pakikipagtulungan kasama ng Ralphs Pharmacy. Ginanap ito sa First Chinese Baptist Church LA, kung saan nagkaroon ng libreng tulong sa iba't ibang wika para sa pagsusuri ng mga benepisyo at serbisyong pangkalusugan, pati na rin ang pagbabakuna sa mismong lugar. Naganap ang pagtitipon sa araw na maaari nang magsimulang gumawa ng mga pagbabago ang mga nakatatanda sa kanilang Medicare coverage para sa susunod na taon.


“Ngayon ang unang araw ng Medicare Open Enrollment. Ngayong taon, higit kailanman, maraming pagbabagong kinakaharap ang mga nakatatanda sa halos lahat ng programang nagbibigay ng tulong at suporta sa kanila,” ayon kay Clayton Fong, President at CEO ng NAPCA. “Kaya napakahalaga sa amin na makasama ngayon sina Congressman Gomez at Congresswoman Chu. Gaya ng lagi naming ipinapaalala, hindi ninyo kailangang harapin ang mga pagbabagong ito nang mag-isa. Nandito kami upang tumulong.”


Mula noong 2022, halos 4,700 bakuna na ang naibigay sa mga miyembro ng komunidad sa pamamagitan ng mga taunang pagtitipong ito. Patuloy na inirerekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang mga bakuna laban sa trangkaso at COVID-19 para sa mga nasa hustong gulang ngayong panahon. Lalo itong mahalaga para sa mga edad 65 pataas at sa mga may dati nang karamdaman, dahil mas mataas ang kanilang panganib na magkaroon ng malubhang sakit. 

Mga miyembro ng komunidad na tumatanggap ng bakuna mula sa Ralphs Pharmacy team.
Mga miyembro ng komunidad na tumatanggap ng bakuna mula sa Ralphs Pharmacy team.

Ibinahagi ni Rep. Gomez, na kumakatawan sa mga lugar ng Chinatown, Little Tokyo, Koreatown, at Historic Filipinotown, kung saan mahigit 80 wika ang ginagamit, kung bakit personal sa kanya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng impormasyon at serbisyo sa iba't ibang wika.


Ang kanyang mga magulang, ay lumipat mula Mexico patungong Estados Unidos, ay nakaranas ng hirap sa wika na naging hadlang upang sila mismo ang makapag-asikaso ng mahahalagang bagay tulad ng pagpapagamot. Batay sa karanasan ng kanyang pamilya, ipinaliwanag niya na kahit may health insurance ang isang tao, maaari pa ring maging mahirap ang pagkuha ng serbisyong medikal kung ang mga form at healthcare provider ay hindi gumagamit ng wikang mas naiintindihan niya.


“Para sa maraming nakatatandang Asian American at Pacific Islander, lalo pang nagiging mahirap unawain ang isang komplikadong sistema dahil sa hadlang sa wika. Kaya napakahalaga ng mga organisasyong tulad ng NAPCA,” ayon kay Rep. Gomez.


Binigyang-diin naman ni Rep. Judy Chu, Chair Emeritus ng Congressional Asian Pacific American Caucus, ang tatlong mahahalagang paalala para sa mga nakatatanda. “May tatlo akong simpleng paalala sa inyo. Una, suriin ang inyong Medicare coverage bago ang Disyembre 7. Tiyaking sakop pa rin ng inyong plano ang inyong mga doktor at gamot, at alamin kung may pagbabago sa inyong mga gastusin. Pangalawa, kumonsulta sa inyong doktor o pharmacist tungkol sa mga bakunang makatutulong upang mapanatili kayong malusog. At pangatlo, huwag mahiyang humingi ng tulong kung kailangan ninyo! Lalo na kung kailangan ninyo ng impormasyon sa sarili ninyong wika. Nandito ang NAPCA upang tumulong sa inyo.”


Dahil ang Oktubre ay Liver Cancer Awareness Month, binigyang-diin din ni Rep. Judy Chu ang kahalagahan ng pagbabakuna laban sa hepatitis B, lalo na sa mga komunidad ng Asian American.


Ang hepatitis B ay isa sa mga pangunahing sanhi ng kanser sa atay, ngunit maaari itong maiwasan.


Ayon kay Mr. Fong, mahigit kalahati ng mga Amerikanong may chronic hepatitis B ay mga Asian American at Pacific Islander. Karamihan sa kanila ay mga imigranteng una at ikalawang henerasyon. Gayunpaman, hindi pa sapat ang mga programa sa pagbibigay ng impormasyon at edukasyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga komunidad na ito.


Kasalukuyang nagsisikap ang NAPCA na bumuo ng isang koalisyon upang mapalawak ang edukasyon at kaalaman tungkol sa hepatitis B sa mga komunidad na ito.


Sa pagtatapos ng programa, magkasamang ipinagkaloob nina Representative Judy Chu at Representative Jimmy Gomez sa NAPCA ang isang Certificate of Congressional Recognition bilang pagkilala sa kanilang mga programa sa pagbibigay ng impormasyon, edukasyon, at tulong sa komunidad tungkol sa mga benepisyo.


Sina Congressman Jimmy Gomez at Congresswoman Judy Chu habang ipinagkakaloob ang Certificate of Congressional Recognition kay Clayton Fong, President ng NAPCA.
Sina Congressman Jimmy Gomez at Congresswoman Judy Chu habang ipinagkakaloob ang Certificate of Congressional Recognition kay Clayton Fong, President ng NAPCA.

Para sa mga nakatatandang hindi nakadalo sa pagtitipon, o sa mga may kapamilya at mahal sa buhay na nakatira sa ibang estado, nagbibigay ang NAPCA Multilingual Helpline ng libreng tulong sa buong Estados Unidos.


Maaaring tumawag upang magtanong tungkol sa health coverage, Medicare Open Enrollment, at iba pang benepisyo.


Makipag-ugnayan sa NAPCA Multilingual Helpline:

  • (English) 1-800-336-2722

  • (Mandarin) 1-800-683-7427

  • (Cantonese) 1-800-582-4218

  • (Korean) 1-800-582-4259

  • (Vietnamese) 1-800-582-4336

###

Ang National Asian Pacific Center on Aging (NAPCA) ay isang pambansang non-profit na organisasyon na itinatag noong 1979. Layunin nitong suportahan at ipaglaban ang mga karapatan at pangangailangan ng mga nakatatanda, at tulungan silang makakuha ng mahahalagang impormasyon, serbisyo, at suporta upang mapanatili ang kanilang kalusugan, maayos na pamumuhay, at kakayahang mamuhay nang malaya at may sariling pagpapasya, anuman ang kanilang wika o kultura.

bottom of page