ACA Marketplace Open Enrollment: Mga Paraan para Mas Maging Abot-Kaya ang Health Insurance para sa mga Nakatatanda

Nagsimula ang ACA Marketplace Open Enrollment noong Nobyembre 1, 2026, at magtatapos sa Enero 15, 2027, sa karamihan ng mga estado sa Amerika. Sa panahong ito, maaari kang kumuha ng bagong health insurance, mag-renew ng iyong kasalukuyang insurance, o lumipat sa ibang health insurance plan. Pero dahil sa pagtaas ng buwanang bayad sa health insurance at mga pagbabago sa tulong pinansyal mula sa gobyerno, mas nagiging mahirap para sa maraming tao, lalo na sa mga nakatatanda, na makakuha ng health insurance na kaya nilang bayaran. Narito ang isang totoong sitwasyon na kamakailan ay inilapit sa libreng Multilingual Helpline ng NAPCA, na nagbibigay ng tulong sa iba't ibang wika. (Makikita sa ibaba ang impormasyon kung paano sila makontak).
<Unang Tanong> Ang asawa ko ay 62 taong gulang, at ako naman ay 64. Nakatira kami sa California. Ang kabuuang kita naming mag-asawa ay humigit-kumulang $87,000 kada taon bago bawasan ng buwis. Kailangan namin ng health insurance habang hindi pa kami kwalipikado sa Medicare. Pero kahit ang mga mas murang health insurance plan ay mahal pa rin at malaking bahagi ng aming kita ang mapupunta sa pagbabayad nito. Paano kami makakakuha ng health insurance na kaya naming bayaran nang hindi naaapektuhan ang aming mga pangunahing pangangailangan, tulad ng pagkain, tirahan, at iba pang gastusin? Ano ang maaari naming gawin?
<Unang Sagot> Sa kasamaang-palad, walang madaling solusyon sa sitwasyong ito.
Napakalaking gastusin sa health insurance ang kinakaharap ng mag-asawang ito. Sa California, maaaring umabot sa mahigit $30,000 kada taon ang Bronze plan at mahigit $38,000 kada taon ang Silver plan para sa kanilang dalawa. Batay sa tinatayang kita nilang natitira pagkatapos bawasan ng buwis, halos kalahati nito ang maaaring mapunta sa pagbabayad ng health insurance. Kahit piliin pa nila ang pinakamurang plan, maaari pa rin silang magkaroon ng $15,000 na deductible. Ibig sabihin, maaaring kailanganin muna nilang magbayad ng hanggang $15,000 para sa mga sakop na gastusing medikal bago magsimulang magbayad ang kanilang insurance para sa mga serbisyong may deductible. Dahil dito, maaari pa rin silang mahirapang bayaran ang kanilang mga gastusing medikal, kahit mayroon na silang health insurance.
Ipinapakita ng mga ganitong sitwasyon na kailangang magkaroon ng mga pagbabago sa mga patakaran upang mas maging abot-kaya ang health insurance. Narito ang tatlong posibleng solusyon na maaaring makatulong.
Una, bawasan ang malaking pagkakaiba sa presyo ng health insurance batay sa edad, lalo na para sa mga nakatatanda. Sa isang opinion article sa New York Times noong Nobyembre 2026, ipinaliwanag ng health economist na si Zack Cooper na inaasahang lalampas sa $10,000 kada taon bawat tao ang gastos sa health insurance na ibinibigay sa pamamagitan ng employer o pinagtatrabahuhan.1 Ipinapakita nito kung gaano na kamahal ang health insurance. Pero para sa mag-asawang nabanggit, maaaring mahigit tatlong beses na mas mataas ang kanilang babayaran sa health insurance.
Bakit nangyayari ito? Sa ilalim ng kasalukuyang mga patakaran ng ACA, pinapayagan ang mga kompanya ng health insurance sa karamihan ng mga estado na maningil sa isang 64 taong gulang ng hanggang tatlong beses na mas mahal kaysa sa isang 21 taong gulang, kahit pareho lang ang kanilang health insurance plan. Dahil dito, may mga tanong kung patas ba ang ganitong sistema. Ang layunin ng health insurance ay paghati-hatian ng maraming tao ang gastos at panganib sa pagpapagamot, upang hindi isang tao lamang ang mahirapang magbayad ng malaking gastusing medikal. Pero ipinapakita ng estado ng New York na may ibang paraan. Mayroon itong sistemang tinatawag na community rating, kung saan hindi maaaring maningil ang mga kompanya ng health insurance ng mas mataas na bayad dahil lamang sa edad ng isang tao, kung pareho ang kanilang individual health insurance plan.
Kailangang magkaroon agad ng mga pagbabago sa mga patakaran upang mabawasan ang sobrang taas na gastos sa health insurance na mas mabigat para sa mga nakatatanda.
Pangalawa, unti-unting bawasan ang tulong pinansyal mula sa gobyerno sa halip na bigla itong tanggalin kapag lumampas sa limitasyon ang kita. Natapos noong katapusan ng 2025 ang karagdagang tulong pinansyal para sa ACA health insurance. Sa ilalim ng mga patakaran para sa 2027, ang mag-asawang may kabuuang kita na mahigit $86,560 kada taon ay karaniwang hindi na kwalipikadong makatanggap ng tulong mula sa pederal na gobyerno para sa pagbabayad ng health insurance.
Kahit kaunti lang ang lumampas sa itinakdang limitasyon ng kita, maaari itong magdulot ng malaking gastos.Ang mag-asawa sa California ay may kabuuang kita na $87,000 kada taon bago bawasan ng buwis, kaya bahagya lamang silang lumampas sa limitasyon. Gaya ng nabanggit kanina, kahit ang mas murang health insurance plan ay maaaring umabot sa mahigit $30,000 kada taon. Katumbas ito ng humigit-kumulang 43% ng kanilang kita pagkatapos bawasan ng buwis. Ibig sabihin, malaking bahagi ng kanilang natitirang pera ang mapupunta lamang sa pagbabayad ng health insurance.
Sa halip na biglang alisin ang tulong pinansyal kapag lumampas sa limitasyon ang kita, maaaring baguhin ng mga gumagawa ng batas ang patakaran upang unti-unting bawasan ang tulong habang tumataas ang kita ng isang pamilya. Sa ganitong paraan, hindi agad mawawalan ng tulong ang isang pamilya dahil lamang sa maliit na pagtaas ng kanilang kita, at maiiwasan ang biglaang pagtaas ng kanilang gastos sa health insurance.
Pangatlo, payagan ang mga taong edad 55 hanggang 64 na kusang mag-enroll at magbayad para sa Medicare. Sa kasalukuyan, karamihan sa mga Amerikano ay nagiging kwalipikado lamang sa Medicare kapag sila ay 65 taong gulang na. Dahil dito, maraming tao na nasa edad 55 hanggang 64 ang umaasa sa mga health insurance plan sa Marketplace, na kadalasan ay mahal at mahirap bayaran.
Maaaring gumawa ng bagong patakaran ang mga gumagawa ng batas upang payagan ang mga taong 55 hanggang 64 taong gulang na makakuha ng Medicare nang mas maaga, sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwanang hulog. Halimbawa, sa 2026, ang isang taong 65 taong gulang pataas na hindi kwalipikado sa libreng Medicare Part A ay maaaring magbayad ng hanggang $565 kada buwan para sa Part A at $202.90 kada buwan para sa Part B. Sa kabuuan, ito ay $767.90 kada buwan para sa dalawang bahagi ng Medicare. Maaaring gamitin ang mga halagang ito bilang batayan sa paggawa ng bagong Medicare program para sa mga taong edad 55 hanggang 64, na may buwanang bayad na mas mababa sa $1,000 bawat tao.
Sa kabuuan, ang tatlong mungkahing ito ay maaaring makatulong sa mga nakatatandang nahihirapang makakuha ng abot-kayang health insurance, lalo na sa mga hindi na gaanong nakakatanggap ng tulong mula sa ACA Marketplace at hindi pa kwalipikado sa Medicare. Walang sinuman ang dapat mapilitang mamili sa pagitan ng pangangalaga sa kanilang kalusugan at pagbabayad para sa mga pangunahing pangangailangan, tulad ng pagkain, tirahan, at iba pang gastusin sa araw-araw.
____________________________________________________________________________________
Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa mga benepisyo at tulong mula sa gobyerno, maaari kang makipag-ugnayan sa NAPCA para sa libre at personal na tulong na naaayon sa iyong pangangailangan:
Tumawag sa aming Helpline sa: (English) 1-800-336-2722
Email: askNAPCA@napca.org
Mail: NAPCA Helpline, 1511 3rd Avenue, Suite 914, Seattle, WA 98101




