Medicare Open Enrollment: Ano ang Dapat Suriin at Bakit Mahalaga ang mga Bakuna

Ang Medicare Open Enrollment, mula Oktubre 15 hanggang Disyembre 7, ay magandang panahon upang suriin ang inyong Medicare coverage, mga pangangailangan sa iniresetang gamot, at mga inirerekomendang bakuna. Narito ang ilang mahahalagang bagay na dapat ninyong suriin ngayong taon.
<Q1> Matagal na akong umiinom ng parehong iniresetang gamot, pero kamakailan ay tumaas ang binabayaran ko sa botika. Mayroon akong Original Medicare at hiwalay (stand-alone) na Part D prescription drug plan. Maaari ko bang palitan ang aking Medicare o ang coverage ko para sa iniresetang gamot?
Opo. Ang Medicare Open Enrollment Period mula Oktubre 15 hanggang Disyembre 7 ay mahalagang panahon upang suriin ang inyong coverage, kahit kuntento kayo sa inyong kasalukuyang plan. Maaaring magbago sa susunod na taon ang inyong mga gastusin, ang coverage ng inyong mga gamot, ang network ng mga botika, o iba pang benepisyo, at maaari ring magbago ang inyong sariling pangangailangang pangkalusugan o mga gamot. Sa pagsusuri ng inyong plan, matitiyak ninyong angkop pa rin ito sa inyong pangangailangan at tugma sa mga gamot at botikang ginagamit ninyo.
Kung mayroon kayong Original Medicare, mahalagang bigyang-pansin ang Open Enrollment Period bawat taon dahil mas limitado ang pagkakataon ninyong magpalit o gumawa ng mga pagbabago sa inyong coverage kumpara sa mga naka-enroll sa Medicare Advantage. Sa Open Enrollment
Period, ang mga may Original Medicare ay maaaring mag-enroll, umalis, o lumipat sa ibang Part D plan. Maaari rin silang lumipat mula Original Medicare patungo sa isang Medicare Advantage Plan. Karaniwang magkakabisa sa Enero 1 ng susunod na taon ang mga pagbabagong ito.
Bago magpalit ng plan, alamin muna kung sakop ng plan ang inyong mga iniresetang gamot, magkano ang inyong babayaran, at kung kasama sa network ang botikang karaniwan ninyong
pinupuntahan. Maaari kayong magtanong sa inyong pharmacist o makipag-ugnayan sa inyong Part D plan upang malaman ang halaga ng inyong mga gamot. Maaari rin ninyong gamitin ang
Medicare.gov upang ikumpara ang iba’t ibang plan batay sa mga gamot na iniinom ninyo at sa mga botikang ginagamit ninyo.
Kung may mga tanong kayo o kailangan ng tulong sa pag-enroll, tumawag po sa NAPCA Helpline sa 1-800-336-2722 para matulungan kayong ikumpara ang mga plan.
<Q2> Ako ay 65 taong gulang na, at nabalitaan kong nagbago ang ilang rekomendasyon tungkol sa bakuna. Kailangan ko pa rin bang magpabakuna? At kailan ako dapat magpabakuna?
Opo. Nananatiling mahalaga ang pagpapabakuna, lalo na para sa mga nakatatanda at sa mga taong may ilang pangmatagalang (chronic) karamdaman, dahil mas mataas ang panganib nilang magkaroon ng malubhang sakit.
Bagama’t humigit-kumulang 18% lamang ng populasyon ng U.S. ang mga adultong edad 65 pataas (U.S. Census Bureau), mas mataas ang panganib nilang ma-ospital o mamatay dahil sa trangkaso (flu) at COVID-19. Noong 2024–2025 flu season, tinatantiya ng CDC na ang mga
adultong edad 65 pataas ay bumubuo sa 71% ng mga pagkamatay at 57% ng mga pagka-ospital na may kaugnayan sa trangkaso sa United States. Para naman sa COVID-19, ang mga adultong edad 65 pataas ay bumubuo sa 88.4% ng mga naitalang pagkamatay na may kaugnayan sa COVID-19 mula Hulyo 2024 hanggang Hunyo 2025. Ang mga tao sa anumang edad na may ilang pangmatagalang karamdaman ay maaari ring magkaroon ng mas mataas na panganib na magkaroon ng malulubhang komplikasyon mula sa trangkaso o COVID-19.
Kung kayo ay nakatira kasama o madalas na nakakasama ang isang nakatatanda o taong may pangmatagalang karamdaman, mahalaga ang pagpapabakuna upang makatulong na maprotektahan sila laban sa malubhang sakit.
Mahalagang manatiling updated sa mga inirerekomendang bakuna upang mapangalagaan ang inyong kalusugan. Kapag may bagong bersyon ng bakuna na inirerekomenda, siguraduhing ang
pinakabagong bersyon ang inyong matatanggap. Halimbawa, ang bakuna laban sa trangkaso para sa 2026–2027 ay na-update upang mas tumugma sa mga uri ng flu virus na inaasahang kakalat ngayong season.
Ang inyong pangangailangan sa bakuna at ang tamang panahon ng pagpapabakuna ay nakadepende sa inyong edad, kalusugan, at mga bakunang natanggap na ninyo noon. Ang Oktubre ay karaniwang magandang panahon para magpabakuna laban sa trangkaso ang
karamihan ng tao sa U.S. Tanungin ang inyong doktor, health care provider, o pharmacist kung ano ang angkop para sa inyo. Banggitin din kung mayroon kayong nakaplanong biyahe ngayong holiday season o malalaking salu-salo at pagtitipon upang makatulong na matiyak na protektado kayo sa panahong iyon.
Kung kailangan ninyo ng tulong sa pagkuha ng impormasyon tungkol sa bakuna o sa pag-iskedyul ng appointment para magpabakuna malapit sa inyo, matutulungan kayo ng NAPCA Helpline.
________________________________________________________________________________________________________________
Kung may mga tanong kayo tungkol sa mga pampublikong benepisyo, may 3 paraan upang makipag-ugnayan sa amin ngayon:
Tawagan ang aming Helpline sa: (Ingles) 1-800-336-2722
Email: askNAPCA@napca.org
Sulat: NAPCA Helpline, 1511 3rd Avenue, Suite 914, Seattle, WA 98101
Ang National Asian Pacific Center on Aging (NAPCA) ay nakatuon sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga nakatatandang AANHPI (Asian American, Native Hawaiian, at Pacific Islander) sa pamamagitan ng pagsusulong ng kanilang natatanging pangangailangan at pagtiyak na
makakakuha sila ng mga serbisyong angkop sa kanilang kultura.




